MANILA, Philippines- Nasa mahigit sa P2 milyong halaga ng ecstasy at shabu ang nasamsam nang naaresto ang tatlong hinihinalang tulak kabilang ang dalawang bebot sa isinagawang buy-bust operation sa Molino Paliparan Rd, Brgy. Paliparan 2, Dasmarinas City, Cavite.
Kinilala ang mga nadakip na suspek na sina Lenard Cañete y Cuenca alyas Marlon, 27, tricycle driver; Abegail Arandia y Gomez alyas Bai, 21, dalaga at Claire Ann Adolfo y Rosel, 21, pawang residente ng Brgy. Paliparan 2, habang pinaghahanap pa ang isa nilang kasamahan na si Jomel Martinez y Adarayan na nasa listahan ng High Value Individual (HVI).
Ayon sa report, bandang alas-10:50 kamakalawa ng umaga nang nagsagawa ng buy-bust operation ang Provincial Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office 4A RSET1, PNP Regional Drug Enforcement Unit at City Drug Enforcement Unit ng Dasmarinas Component City Police Office malapit sa St. Francis College sa nasabing lugar na nagresulta sa pagkakaaresto sa tatlong suspek.
Nakumpiska mula sa mga ito ang isang piraso na plastic bag na naglalaman ng 100 gramo ng hinihinalang shabu na may market value na P680,000; walong pirasong plastic bag na naglalaman ng 800 piraso ng kulay asul na tabletas na hinihinalang ecstasy na may market value na P1,360,000 o kabuuang P2,040,000; cellular phone, dalawang pirasong ID, motorsiklong Yamaha Fazzio at buy-bust money.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 in relation to Section 26 para b, Article II ng RA 9165 ang mga suspek. Margie Bautista