BACOLOD CITY- Naaresto ng mga pulis ang tatlong drug pushers at narekober ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P2 milyon sa isang buy-bust operation sa Barangay Tangub sa lugar na ito nitong Sabado.
Kinilala ang mga suspek na sina Jerome, 37, ng bayan ng Isabela, Negros Occidental; kanyang 32-anyos na kinakasamang si Aive mula sa Hinigaran, Negros Occidental, at kanilang kasamahan na si Lloyd, 29, construction worker, ng Valladolid, Negros Occidental.
Sinabi ni Police Lt. Col. Antonio Benitez, pinuno ng City Intelligence Unit (CIU), dalawang linggo nang minamanmanan ang mga suspek.
Nakuha mula sa mga suspek ang 300 gramo ng shabu, isang weighing scale, P1,000 marked money, at sasakyan.
Sinabi ni Benitez na si Jerome ay nasa drugs watchlist ng kapulisan sa Binalbagan, Negros Occidental, at ang kanyang kinakasama ay nasa Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) watchlist.
Tinukoy ang mga suspek na high-value individuals at naharap si Jerome sa illegal possession of firearm case.
Wika ni Benitez, namamahagi umano ng shabu ang mga suspek sa timog na parte ng lalawigan.
Kasalukuyang nahaharap ang mga suspek sa drug-related charges at nakaditene sa Police Station 8 sa lugar na ito. RNT/SA