OLONGAPO CITY, Philippines — Muling umabot sa warning level ang tubig sa ilalim ng tatlong tulay sa Olongapo City nitong madaling-araw ng Lunes dahil sa patuloy na pag-ulan dulot ng habagat.
Ayon sa pinakahuling monitoring ng lungsod alas-5:30 ng umaga, umabot sa 1.8 metro ang tubig sa Del Rosario Bridge, 1.7 metro sa Sta. Rita Bridge, at 2.3 metro sa Kalaklan Bridge. Lahat ay nasa warning level.
Inaasahan din ang high tide alas-12:43 ng tanghali, na aabot sa 0.87 metro.
Pinayuhan ang mga residente sa mga lugar na madaling bahain na manatiling alerto at regular na subaybayan ang mga abiso mula sa lokal na awtoridad.
Nauna nang umabot sa warning o critical level ang tubig sa tatlong tulay ngayong buwan dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan ng habagat. Dati ring umabot sa spilling level ang tubig na nagdulot ng pagbaha sa ilang bahagi ng lungsod.
Samantala, nagbabala ang PAGASA na posibleng makaranas ang Zambales ng 50 hanggang 100 millimeters ng ulan nitong Lunes. Parehong rainfall outlook ang inilabas para sa Martes, Agosto 18, at Miyerkules, Agosto 19. RNT/MDS