California – Tatlong katao ang nasawi habang dalawang hinihinalang teenage gunmen ang natagpuang patay matapos ang pamamaril sa isang mosque complex sa San Diego, California noong Mayo 18, 2026, ayon sa pulisya.
Ayon sa mga awtoridad, natagpuan ang tatlong biktima sa labas ng Islamic Center of San Diego, na itinuturing na pinakamalaking mosque complex sa county. Ilang oras matapos ang insidente, natagpuan naman ang dalawang suspek na may edad 19 at 17 sa loob ng isang sasakyan na nakaparada ilang bloke ang layo, at pinaniniwalaang nagpakamatay sa pamamagitan ng self-inflicted gunshot wounds. Wala umanong pulis na nagpaputok ng baril sa insidente.
Sinabi ni San Diego Police Chief Scott Wahl na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente bilang posibleng hate crime, dahil sa mga natukoy na “hate rhetoric” na kaugnay ng pamamaril.
“We are actively investigating this as a hate crime,” Wahl said. “There was definitely hate rhetoric that was involved.”
Ayon sa pulisya, kabilang sa mga nasawi ang isang security guard na kinilala ang naging papel sa pagpigil sa mas malawak na trahedya.
“His actions were heroic and he undoubtedly saved lives today,” ani Wahl.
Hindi pa inilalabas ang pagkakakilanlan ng dalawa pang biktima. Sinabi rin ng mga awtoridad na dalawang oras bago ang pamamaril, nakipag-ugnayan na ang ina ng isa sa mga suspek sa pulisya at iniulat na ang kanyang anak ay “suicidal” at nawawala ang ilang armas at sasakyan.
Ayon sa imam ng mosque na si Taha Hassane, ligtas ang lahat ng staff, guro at mga bata sa loob ng center. Tinawag niya ang insidente na “extremely outrageous” at nanawagan ng pakikiisa para sa mga apektadong pamilya.
Tinawag ni US President Donald Trump ang insidente na “terrible situation,” habang kinondena naman ni California Governor Gavin Newsom ang pag-atake at sinabing hindi dapat matakot ang mga deboto sa kanilang buhay, at “Hate has no place in California.”
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad at sinabi nilang itinuturing itong hate crime hanggang walang lumabas na ebidensyang taliwas dito. RNT