Home NATIONWIDE 7 Pinoy, naharang sa NAIA sa kahina-hinalang Armenia job offers 

7 Pinoy, naharang sa NAIA sa kahina-hinalang Armenia job offers 

6
0

MANILA, Philippines – Pitong Pilipino ang naharang ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos matuklasan ang umano’y mapanlinlang na recruitment scheme na nag-aalok ng trabaho sa ibang bansa.

Ayon sa BI nitong Miyerkules, Nobyembre 18, anim sa mga pasahero ang naharang noong Nobyembre 6 habang papasakay sana ng eroplano patungong Hong Kong.

Sa paunang pagtatanong, sinabi ng mga pasahero na tatlong araw lamang silang magbabakasyon. Gayunman, lumabas sa karagdagang pagsusuri na Armenia pala ang kanilang tunay na destinasyon upang magtrabaho bilang hotel cleaners at janitors.

Pinangakuan umano sila ng buwanang sahod na P40,000 hanggang P50,000.

Ayon sa imbestigasyon, nagbayad ang mga aplikante ng P27,000 hanggang P160,000 para sa travel arrangements, visa processing at mga tiket.

Inamin din umano ng ilan na binigyan sila ng kanilang recruiter ng mga pekeng employment documents.

Inatasan umano ang mga aplikante na itago ang kanilang tunay na destinasyon at magbigay ng nakahandang sagot sa immigration officers upang palabasing Hong Kong lamang ang kanilang pupuntahan.

Samantala, isa pang Pilipino ang naharang noong Nobyembre 7 habang patungong Vietnam para sa umano’y trabaho sa dayuhang militar.

Batay sa BI, nakita ng pasahero ang job offer sa Facebook na nangangako ng mahigit P100,000 buwanang sahod at $10,000 signing bonus.

Kalaunan, sa WhatsApp na sila nakipag-ugnayan ng recruiter na siya ring umano’y nag-asikaso ng pamasahe at iba pang gastusin sa biyahe.

Dahil sa mga natuklasan, isinangguni ang pitong pasahero sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa karagdagang pagsusuri at tulong.

Nagbabala naman si Immigration Commissioner Joel Anthony Viado laban sa mga mapanlinlang na alok ng trabaho sa ibang bansa.

Hinimok nito ang mga aplikante na tiyaking lehitimo ang kanilang employer, recruitment agency at employment documents bago magbayad o bumiyahe palabas ng Pilipinas. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here