CALABARZON – Hindi nakaligtas ang tatlong wanted na indibidwal matapos silang madakip ng mga awtoridad habang bumoboto sa gitna ng midterm elections noong Mayo 12 sa magkakahiwalay na lugar sa Cavite at Batangas.
Sa lungsod ng Bacoor, Cavite, dalawang suspek na may kinakaharap na kaso ng carnapping ang nadakip sa mismong voting precinct, habang isa pang lalaki na nahaharap sa kasong illegal drugs ang naaresto rin sa parehong lungsod.
Samantala, sa Tanauan, Batangas, isa pang wanted na lalaki ang hinuli habang bumoboto. Nahaharap ito sa kasong violence against women and children (VAWC).
Ayon kay Calabarzon Police Regional Director Brigadier General Paul Kenneth Lucas, natunton ang mga suspek matapos makatanggap ng impormasyon mula sa intelligence operatives na boboto ang mga ito. Agad nagsagawa ng operasyon ang mga pulis na nagresulta sa matagumpay na pag-aresto.
Ang mga suspek ay kasalukuyang nakakulong sa Camp Vicente Lim sa Calamba, Laguna, habang isinasagawa ang kaukulang disposisyon at dokumentasyon. (Mary Anne Sapico)