Home NATIONWIDE SLSU-Lucban graduate, topnotcher sa May 2025 Nurses Licensure Exam

SLSU-Lucban graduate, topnotcher sa May 2025 Nurses Licensure Exam

LUCENA CITY – Nakamit ng isang nagtapos mula sa Southern Luzon State University (SLSU) sa Lucban, Quezon ang pinakamataas na marka sa katatapos lamang na Philippine Nurses Licensure Examination nitong Mayo.

Batay sa inilabas na datos ng Professional Regulation Commission (PRC), 6,935 mula sa 10,770 na kumuha ng pagsusulit ang matagumpay na pumasa. Ang eksaminasyon ay isinagawa noong Mayo 5 at 6 sa 18 testing centers sa buong bansa.

Nanguna si Angelica Ferrer Dator, isang alumna ng SLSU-Lucban (dating Southern Luzon Polytechnic College o SLPC), matapos makakuha ng 90.00%, ang pinakamataas na score sa batch na ito.

Ayon sa PRC, isang resulta ng pagsusulit ang pansamantalang naantala dahil sa “pending final determination of his/her liabilities under the rules and regulations governing licensure examinations.”

Samantala, Unibersidad ng Pangasinan ang itinanghal na nangungunang paaralan para sa mga institusyong may 100 o higit pang examinees matapos pumasa ang 354 sa 357 nilang kandidato.

Sa kategorya naman ng mga paaralang may 50 hanggang 99 examinees, nanguna ang SLSU-Lucban, Eastern Samar State University–Borongan, at Universidad de Zamboanga–Pagadian (Menderod College). (Jocelyn Tabangcura-Domenden)