Home METRO 30 bahay naabo sa Isla Puting Bato, Tondo

30 bahay naabo sa Isla Puting Bato, Tondo

(c) Manila DRRM Office

MANILA, Philippines – Nasunog ang halos tatlumpung bahay sa Purok 5 ng Isla Puting Bato sa Tondo, Maynila, Huwebes, Enero 23 ng alas dos ng madaling araw.

Mabilis kumalat ang apoy sa mga bahay na gawa sa magagaan na materyales, dahilan upang itaas ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang ikalimang alarma.

Mahigit 60 fire truck ang rumesponde, at gumamit din ng fire boat mula sa Manila Bay upang masugpo ang apoy. Dahil nasa dulo ng residential area ang Purok 5, naglagay ng mga fire truck sa compound ng Manila International Container Terminal (MICT). Binutas pa ng mga residente ang pader ng MICT upang makalikas nang mas mabilis.

Inabot ng mahigit dalawang oras bago tuluyang naapula ang apoy. Aabot sa siyamnapung pamilya ang nawalan ng tirahan, ayon sa BFP.

Ayon kay Fire Sr. Insp. Alejandro Ramos, nahirapan ang operasyon dahil makitid ang mga daanan, at mataas ang pader ng MICT. Patuloy namang iniimbestigahan ang sanhi ng sunog, na maaaring nagmula sa nag-overheat na appliances.

“Titingnan pa namin ang mga labi at electrical wirings para masigurado ang sanhi ng sunog,” ani Ramos.

Doble-dagok naman sa mga residente na nasunugan na nga ay nanakawan pa umano sa kasagsagan ng insidente. RNT