Aabot sa 9.5 milyong Pilipino ang nanigarilyo mula 2021 hanggang 2023, ayon sa datos ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI) na inilahad ni Senador Sherwin Gatchalian sa pagdinig ng Senado ukol sa iligal na kalakalan ng sigarilyo at vape.
Ayon kay Gatchalian, ang pagdami ng naninigarilyo ay dulot ng pagbaba ng bilang ng “never-smokers” o mga hindi pa kailanman nanigarilyo.
Sa 9.5 milyong naninigarilyo, 6.4 milyon ang gumagamit ng tradisyunal na sigarilyo, habang 1.5 milyon naman ang gumagamit ng e-cigarettes.
Bumaba na ang smoking prevalence mula 18% noong 2015 sa 14% noong 2021, ngunit muling tumaas ito sa 18% noong 2023, na nagbura sa anim na taong tagumpay laban sa paninigarilyo.
Binalaan ni Dr. Maria Encarnita Limpin ng Action on Smoking & Health (ASH, Phil.) na ang pagtaas ng bilang ng mga naninigarilyo ay magdudulot ng mas maraming kaso ng sakit at pagkamatay dulot ng paninigarilyo. Inirekomenda niya ang mas mataas na buwis sa sigarilyo at e-cigarettes upang mabawasan ang paggamit nito.
Binanggit din ni Gatchalian ang pagbaba ng kita mula sa buwis sa mga sigarilyo, mula ₱176 bilyon noong 2021 sa ₱134 bilyon noong 2023. Isa sa mga dahilan nito ay ang pagtaas ng iligal na kalakalan, partikular sa mga smuggled na sigarilyo mula sa Myanmar, Laos, at Cambodia na dumadaan sa China bago makarating sa bansa.
Binanggit naman ni Senador Grace Poe ang kahalagahan ng mas mahigpit na pagbabantay sa iligal na kalakalan upang bawasan ang paninigarilyo at mapalago ang kita ng gobyerno. Hinimok ni Gatchalian ang gobyerno na kumilos agad upang hindi tuluyang mawala ang mga tagumpay na nakamit laban sa paninigarilyo sa nakalipas na dalawang taon.