MANILA, Philippines – Sa wakas ay nai-turn over na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang 300 housing units sa mga dating Moro National Liberation Front (MNLF) combatants at kanilang mga pamilya sa Zamboanga del Norte at Zamboanga Sibugay provinces.
“Bahagi ito ng programa ng ating Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na masigurado natin na ang pinaka bulnerable nating komunidad—yung mga indigenous peoples (IPs), mga dati nating combatants—ay siguradong mare-reintegrate nang maayos sa ating lipunan,” ani DSWD Secretary Rex Gatchalian sa isang pahayag noong Lunes.
Pinangunahan ni Gatchalian, kasama sina Undersecretary for Inclusive-Sustainable Peace and Special Concerns (ISPSC) Alan Tanjusay at Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) Secretary Carlito Galvez Jr. ng Sama, Kalibugan at Subanen indigenous cultural communities (ICCs) sa bayan ng Sibuco noong Agosto 30.
Karagdagang 75 housing units na pinondohan ng PAyapa at MAsaganang Pamayanan (PAMANA) Program – Modified Shelter Assistance Project (MSAP) ay itatayo rin sa bayan sa pamamagitan ng inisyatiba ng local government unit (LGU).
“Nag-usap nga kami ni Sibuco Mayor Joel Ventura at Secretary Galvez na babalik ang DSWD para masigurado naman yung Sustainable Livelihood Program (SLP) kasi hindi naman sapat ang bahay, kailangan may makakain din,” ani Gatchalian.
Tiniyak niya sa mga benepisyaryo ng MSAP na magbibigay ang DSWD ng tulong pangkabuhayan para sa kanila upang matiyak na mapapanatili nila ang kanilang kagalingan.
Ang MSAP ay isang programang ipinapatupad ng DSWD at OPAPRU upang magbigay ng limitadong pinansyal o materyal na tulong upang madagdagan ang mga mapagkukunan ng mga pamilya sa pagtatayo ng mga bahay sa mga relokasyon.
Ang pagkumpleto ng MSAP units, ani Gatchalian, ay resulta ng pagtutulungan ng LGU, OPAPRU, at DSWD.
Bago ang turnover, may 100 nakumpletong MSAP units din ang nai-turn over noong Agosto 29 sa mga miyembro ng komunidad ng mga dating MNLF combatants at kanilang mga pamilya sa Barangay Caparan sa bayan ng Ipil, Zamboanga Sibugay.
Sa Isla ng Mabuhay, iniabot ni Tanjusay ang mga tseke na nagkakahalaga ng PHP40 milyon sa isa pang grupo ng mga dating MNLF combatants na nag-organisa ng kanilang mga sarili bilang mga asosasyon sa kapitbahayan upang simulan ang pagtatayo ng 100 MSAP housing units na may cash-for-work sa isang parsela ng lupa na donasyon ng LGU ng Ipil.
Mula 2017 hanggang 2023, ang PAMANA MSAP ay nakapaghatid ng 1,160 housing units sa Regions 9 (Zamboanga Peninsula) at 11 (Davao Region), na may grant na PHP247.2 milyon at cash-for-work component na PHP10.3 milyon. Santi Celario