NAGBANTA ang Iran na may mamamatay agad na 3,000 hanggang 4,000 na Amerikano anomang oras na pumutok ang giyera sa pagitan ng United States-Israel at Iran.
Ginawa ang banta ng Iran makaraang ipanukala ng US na magkaroon ng saglit lang ngunit scripted o drama-drama na giyera sa pagitan mismo ng US at Iran at pagkatapos nito, hihinto na ang nasabing giyera-giyerahan.
Sinabi ng Iran na hindi pupwedeng gawing drama-drama ang giyera para ipakita lang sa mundo na kahit nagkagiyera, nagkasundo pa rin sa huli ang US at Iran para hindi lalala at madamay ang iba.
Laman ng banta ng Iran ang pagbomba sa mga pwersa militar ng US sa mga karagatan at kalupaan at mga pabrikang pag-aari ng mga Kano.
At nakakapit sa gatilyo, 24 oras/7 araw, ng mga missile, drone at iba pang armas ang Iran upang ipagtanggol nito ang sarili.
KAGUSTUHAN NG MGA KANO
Kagustuhan ng mga Amerikano, kasama ang Israel, na maging zero ang proyekto ng Iran na magkaroon ng bombang nukleyar laban sa Israel na kaaway nito na may bombang nukleyar na.
Dapat umanong hindi gagawa ang Iran ng mga missile na magiging banta sa Israel at mga posibleng kaalyado nito sa paligid.
Tahimik ngunit gusto ng mga Amerikano na angkinin, kontrolin at pagkakitaan ang yamang langis ng Iran.
IRAN HINDI PUMAYAG
Lahat ng kagustuhan ng mga Amerikano ay tinanggihan ng Iran at naninindigang manatiling nakatayo bilang isang independiyenteng o malayang bansa at hindi tatakbo sa kamay at maniobra ng mga Amerikano o sinomang dayuhan.
Inilabas na rin nito ang malalakas na armas kayang bumomba at sumira sa mga base militar ng US sa Saudi Arabia, Iraq, Qatar, Jordan, Lebanon at maging sa mga nasa malalayong karagatan.
Nakita na ang bangis ng Iran sa nakaraang 12-day war noong Hunyo 2025 na labis na ikinasira ng Israel.
Lalong nagiging malakas ngayon ang Iran sa pagkakaroon ng armas na higit na malakas kaysa ginamit nito noong giyerang Hunyo.
PAKIKIALAM NG IBA
Bukod sa mga sariling gawa, pinadadalhan na rin ng China at Russia ng malalakas na armas.
Dahil naman sa posibleng pakikilahok pa ng iba gaya ng Britanya bilang kakampi ng US at Israel, posible rin umanong lalahok din ang Russia at China at kakampi sa Iran.
Ganyan katindi ang mga kasalukuyang pangyayari at sa isang pagkakamali na may magsindi ng posporo para liliyab ang giyera, madadamay at madadamay ang mga overseas Filipino worker.
MILYONG OFWs MADADAMAY
Madadamay at madadamay sa giyera ang nasa 30,000 overseas Filipino workers sa Israel, 11,000 sa Lebanon, 38,000-41,000 sa Jordan, 260,000 sa Qatar at halos 900,000 sa Saudi Arabia.
Dapat nakahanda na ngayon pa lang ang pamahalaang Marcos sa posibilidad na sumiklab ang digmaan.
Nasaan na ang mga paghahanda natin para sa pagbabakwit, sa mga mamamatay, sa mga makararanas ng gutom at kawalan ng trabaho at isama na rin ang pagkalinga sa mga pamilyang OFW na nasa Pilipinas?
Sana may mga pondo sa mga gawaing para sa mga nanganganib na OFWs at kanilang mga pamilya sa Pinas at hindi pagnanakawin ng mga korap.






