MANILA, Philippines – Tuloy-tuloy ang plano ng pambansang pamahalaan para sa nutrisyon at sa pagsugpo ng kagutuman at malnutrisyon sa bansa, ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa kanyang ikatlong State of the Nation Address nitong Lunes.
Aniya, ang programang Walang Gutom 2027 ay ganap nang isasagawa sa 300,000 food-poor household sa buong bansa sa pagtatapos ng taon.
“Kinumpirma ng isang survey na ang aming pinalawak na programa sa pagpapakain na nakabatay sa paaralan ay nagkaroon ng malaking epekto sa pisikal at mental na kagalingan ng higit sa kalahati ng mga learner-beneficiaries. Kaya naman, patuloy nating pasusulungin ang mga feeding program na ito sa ating mga paaralan at day-care centers,” aniya.
Ang food stamp program na inilunsad noong 2023 ay unang nagsilbi sa 200,000 kabahayan.
Inaasahang mapapakain nito ang isang milyong pinakamahihirap na Pilipino na salat sapagkain sa 2027.
Ang isa pang mahalagang bahagi sa pagtugon sa malnutrisyon ay ang programa para sa unang isang libong araw o unang dalawang taon ng buhay ng isang bata.
Upang matiyak ang kalusugan at nutrisyon ng mga batang zero hanggang dalawang taong gulang mula sa pinakamahihirap na pamilya, iminungkahi ng administrasyong Marcos sa 2025 national budget ang bagong grant sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) para sa naturang layunin.
“Sa pamamagitan nito, ang isang buntis o ang isang ina na benepisyaryo ng 4Ps ay mabibigyan ng karagdagang tulong-pinansyal na laan para sa kanya at kanyang anak,” ani Marcos.
Titiyakin ng tulong na ito na ang mga buntis na ina at ang hindi pa isinisilang na bata o maliliit na bata ay mapapatingin ng mga doktor, mabakunahan, at makakatanggap ng sapat na nutrisyon.
Sa pagbanggit sa poverty rate ng bansa ay bumaba sa 15.5 percent noong 2023 mula sa 18 percent noong 2021, sinabi ni Marcos na ang kasalukuyang porsyento ay mas mababa kaysa sa pre-pandemic level na 16.7 percent noong 2018.
Aniya, naiahon ng pambansang pamahalaan ang halos 2.5 milyong Pilipino mula sa kahirapan.
Ang bilang ng mga Pilipinong walang budget para bumili ng pagkain ay nabawasan ng mahigit isang milyon, dagdag niya. RNT