Home METRO 32 nasagip sa tumaob na bangka sa Sulu

32 nasagip sa tumaob na bangka sa Sulu

Nasagip ng Philippine Coast Guard Sub-Station sa Siasi, Sulu ang 32 indibidwal mula sa tumaob na pampasaherong motor banca noong Sabado, Setyembre 14.

Umalis ang motor banca na pag-aari ni Aradjul J. Kahalan sa Bongao, Tawi-Tawi patungong Jolo, Sulu, na may sakay na 23 pasahero at siyam na crew.

Ayon sa kapitan ng banca na si Sam Sabturani tumaob ang bangka habang nakaangkla sa layong 500 yarda sa kanluran ng Siasi Pier dahil sa masamang panahon.

Isang concerned citizen na si Barok ang nagbigay ng impormasyon sa PCG na agad namang nagsagawa ng rescue operations.

Tumulong din ang mga sibilyan sa PCG gamit ang kanilang motor Banda para sa search and rescue operation.

Ang mga nasagip na indibidwal ay dinala sa Siasi Hospital at idineklara sa mabuting pisikal na kondisyon.

Kalaunan ay nakauwi na rin sa kani-kanilang kamag-anak sa Siasi. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)