MANILA, Philippines – “Maging katuwang nawa kayo ng pamahalaan sa pagpapaunlad ng inyong komunidad at ng ating bansa.”
Ito ang apela ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa 330 Bagong Pilipinas Presidential Scholars, araw ng Huwebes, kasabay ng paghikayat sa mga ito na tapusin ang kanilang pag-aaral at maging bahagi ng nation-building habang patuloy na sinusuportahan ng pamahalaan ang kanilang edukasyon sa pamamagitan ng Socio-Civic Projects Fund (SCPF).
Ang pagtitipon sa Edward Hagedorn Coliseum ay bahagi ng pagbisita ng Pangulo sa Palawan, kung saan muling pinagtibay ng administrasyon ang suporta nito sa edukasyon at sa pagpapalakas ng mga lokal na pamahalaan.
Sa ilalim ng SCPF Bawat Barangay Makikinabang Program, ang 66 na barangay sa Puerto Princesa City ay tatanggap ng tig-P200,000. Kalahati nito o P100,000 ay ilalaan sa edukasyon, kung saan bawat Bagong Pilipinas Presidential Scholar sa bawat barangay ay makatatanggap ng P20,000.
Ang natitirang P100,000 ay gagamitin para sa pagbili ng mga kagamitan, streetlights, at iba pang proyektong magpapahusay sa serbisyo publiko at paghahanda sa sakuna.
Inanunsyo rin ng Pangulo na bawat barangay ay makatatanggap ng showcase package na may mga computer, printer, tent, at upuan upang mapabuti ang operasyon ng mga barangay.
Hinikayat din ng Pangulo ang mga iskolar na pagbutihin ang kanilang pag-aaral at iginiit na ang edukasyon ang isa sa pinakamahalagang puhunan para sa kanilang kinabukasan at sa kanilang pamilya.
“Para sa Bagong Pilipinas Presidential Scholars, panimulang puhunan lamang ang SCPF para sa mga kabataang Pilipino. Pagbutihin ninyo ang inyong pag-aaral,” diin ng Pangulo.
Hinamon din niya ang mga iskolar na maging aktibong katuwang ng pamahalaan sa pagpapaunlad ng kanilang mga komunidad at maging mabuting halimbawa sa kapwa kabataan.
“Maging magandang impluwensya kayo sa inyong kapwa at maging huwarang Bagong Pilipino,” ayon sa Pangulo.
Samantala, para sa 21-anyos na si Reneir Jay Villadar, isang Hospitality and Tourism Management student sa Palawan State University, ang scholarship ay higit pa sa tulong pinansyal dahil nagbibigay ito ng pag-asa sa kanilang pamilya.
Si Villadar, na taga-Barangay San Manuel, ay tumutulong sa kanilang pamilya sa pamamagitan ng pagbebenta ng packed meals sa mga estudyante at guro habang nag-aaral. Pinalalaki siya ng kanyang ina, isang single parent, kasama ang kanyang tatlong kapatid.
Aniya, malaking tulong ang natanggap niyang Php20,000 sa kanilang gastusin.
“Gamitin ko po ito para sa damit dahil kakapasok pa lang namin. Bigyan ko rin po si Nanay, na isang single parent para sa aming tatlong magkakapatid,” ayon kay Villadar.
Ipinakita ng kanyang kuwento ang layunin ng scholarship program na mabigyan ng pagkakataon ang mga karapat-dapat na estudyante na makapagpatuloy sa pag-aaral habang natutulungan din ang kanilang mga pamilya at komunidad. (KRIS JOSE)