MANILA, Philippines- Aabot sa 33,000 pulis ang itinalaga para tiyakin ang kaligtasan ng mga mag-aaral sa buong bansa sa pagbubukas ng mga pampublikong elementarya at high school ngayong Lunes (Hulyo 29, 2024), sinabi ng Philippine National Police (PNP) noong Linggo.
Sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na habang ipinagpaliban ng ilang local government units ang pagbubukas ng paaralan kasunod ng pananalasa ng Super Typhoon Carina at monsoon rains, nananatiling nakatutok ang kapulisan sa pag-secure sa mga estudyante.
“Habang inaasahan natin itong sitwasyon ng bagyong Carina ay tuloy tuloy na rin ‘yung ginagawa natin paghahanda para sa balik eskwela ngayong taon na ito,” sabi ni Fajardo sa isang panayam kamakailan.
Inihayag ng Department of Education (DepEd) nitong Biyernes na 738 na paaralan — 442 sa Central Luzon, 206 sa National Capital Region, 86 sa Cordillera Administrative Region at apat sa Cotabato — ang nag-reschedule ng kanilang pagbubukas ng klase.
Idinagdag pa ni Fajardo na ang mga opisyal ay inaatasan na magsagawa ng pagpatrolya sa paligid ng mga paaralan at magtatag ng police assistance desks (PADs).
Ang mga opisyal ng pulisya ay dapat ding makipag-ugnayan sa mga opisyal ng paaralan upang talakayin ang mga hakbang sa seguridad. Santi Celario