ZAMBALES, Philippines – Opisyal nang nagtapos ang 33rd Asia-Pacific Regional Scout Jamboree noong Sabado kasabay ng pagsasalong ng bandila ng APRSJ sa kinatawan ng Thailand contingent, ang punong abala ng 34th Regional Jamboree sa taong 2029, kasunod ang simbolikong pagsindi ng malahiganteng campfire at fireworks display.
Ginanap ang seremonya sa Camp Zambales Grand Arena kung saan ang 25,000 scout leaders ay nagtipon sa hulingpagkakataon, upang pagtibayin ang matagumpay na isang linggong puno ng gawaing nagpapatibay sa pagkakaibigan at kapatiran, kaalaman at pamumuno, at pag-unawa sa kultura ng ibang delegasyon.
Sa kanyang pangwakas na talumpati, binati ni Zambales Governor at designated Camp Chief Hermogenes Ebdane Jr. ang bumubuo ng scouting committee na tumulong para sa tagumpay ng 33rd APRS Jamboree.
Espesyal namang pinasalamatan ni Gov. Ebdane sina Zambales Provincial Engineering and Infrastructure Development (ZPEID) Consultant Engineer Domingo Mariano, na nagdisenyo at nangasiwa sa pagbuo ng tila-bagong komunidad sa loob lamang ng 118 araw.
“Congratulations,” wika ni Gov. Ebdane, “Aming karangalanna maging punong abala ng 33rd APR Jamboree.
Matagumpay naming pinatunayan na sa limitadong gamit ay naitayo at nabuo natin ang isang bagay na hindi inaasahan: ang Scout Camp Kainomayan” patuloy niya.
Bilang pagtatapos ng jamboree sa Zambales, isinalong ni Camp Chief Ebdane ang opisyal na bandila Scout Camp kay Chatchanin Tanapatchawin ng National Scout Organization of Thailand, ang susunod na punong abala para sa 34th APRSJ sa2029.
Tulad ng iba pang miyembro ng international Scout contingents, nagpahayag ang Thai scout ng kanyang labis na pasasalamat kay Camp Chief Ebdane “dahil talagang na-enjoy ng mga scout ang kanilang pagdalo sa scout jamboree na ito sa Zambales.”
“Umaasa kami na magkikita tayong muli sa susunod na Jamboree sa Thailand sa 2029,” sabi ni Tanapatchawin.
Ang pahayag ay nasundan ng malalakas na scout yell at palakpakan, kasunod ang nakasisilaw na pagsabog at malalakas na dagundong na likha ng fireworks displays na namutawi sa madilim na kalangitan. RNT