Home NATIONWIDE 36,000 parak ipakakalat sa COC filling period

36,000 parak ipakakalat sa COC filling period

MANILA, Philippines – Aabot sa 36,000 pulis  ang ipapakalat upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa paghahain ng certificates of candidacy (COCs) para sa May 2025 midterm polls mula Oktubre 1 hanggang 8, ayon sa Philippine National Police (PNP).

Sa isang press conference na ginanap sa Camp Crame, Quezon City, sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na paiigtingin ang mga hakbang sa seguridad at paiigtingin ang checkpoint operations sa mga estratehikong lugar sa panahong ito.

“Hindi na alam ‘yung mga kandidato ang babantayan diyan, siyempre ‘yung mga kaanak pati kanilang mga supporters gaya ng sinasabi natin kapag local elections mas mainit yan sa national election kaya yan ‘yung tinitingnan diyan,” aniya pa.

Habang ang PNP ay mananatili sa normal na alert status, sinabi ni Fajardo na ang mga police commander sa ground ay maaaring magpasyang itaas ang alert level sa kani-kanilang hurisdiksyon sakaling kailanganin.

“Nais din ng Punong PNP (Gen. Rommel Francisco Marbil) na bantayang mabuti ang mga potensyal na PAG (Private Armed Groups) na magagamit sa paghahasik ng karahasan. Ang utos ng ating Chief PNP ay siguraduhing hindi gagamitin itong mga potential PAGs lalo na sa maagang yugto ng paghahain ng kandidatura,” aniya pa.

Samantala, ganap na nakahanda ang National Capital Region Police Office (NCRPO) para masiguro ang paghahain ng COC sa Metro Manila.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni NCRPO chief Maj. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na 1,389 na pulis ang ipapakalat upang mapahusay ang police visibility sa lahat ng itinalagang lokasyon ng paghahain, kabilang ang mga tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) at iba pang pangunahing lugar.

Inutusan ni Nartatez ang mga district director na tiyaking sapat na tauhan ang itinalaga para pamahalaan ang crowd control at daloy ng trapiko, at magbigay ng tulong sa pamamagitan ng mga help desk para sa mga kandidato at publiko. RNT