Isinagawa ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang kauna-unahan nitong IT Conference noong ika-11 ng Setyembre hanggang ika-13 ng Setyembre 2024, sa Eastwood Richmonde Hotel. Ito ay hudyat ng makabuluhang hakbang tungo sa pagpapahusay ng mga serbisyo sa pamamagitan ng digital transformation.
Pinagsama-sama ang mga eksperto sa cybersecurity, artificial intelligence, at digital technologies upang talakayin ang paghahatid ng serbisyo ng DOLE sa Pilipinas na may temang “DOLE sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Digital, Pusong Marangal.”
Binigyang-diin ni Labor Secretary Bienvenido E. Laguesma, kasama sina Undersecretaries Benedicto Ernesto R. Bitonio, Jr., at Data Protection Officer at Digitalization Chair Assistant Secretary Atty. Paul Vincent W. Añover, ang pangako ng Kagawaran na gawing data-driven, may seguridad, at may kakayahang digital ang ahensya gaya ng nakabalangkas sa Information Systems Strategic Plan (ISSP) 2026-2028.
“Layunin namin na simplehan ang mga pang-araw-araw na proseso na ginagawa ng mga manggagawa at employer, gawing mabilis ang pagkuha ng mga serbisyo sa paggawa, protektahan ang kanilang mga karapatan, at itaguyod ang trabaho,” pahayag ni Laguesma.
Binanggit ni Undersecretary Bitonio ang mahalagang papel ng digitization para sa mas epektibong paghahatid ng serbisyo sa paggamit ng mga platform tulad ng PhilJobNet at pagsasama-sama ng mga case management system. Binigyang-pansin naman ni Undersecretary Carmela I. Torres ang kahalagahan ng pagpapahusay ng Labor Market Information (LMI) system para sa streamlined job matching at pinahusay na oportunidad sa trabaho.
Bilang tampok, iprinisinta ni DICT Secretary Ivan John Uy ang Digital Government Master Plan 2023-2028, na isa sa mga naging talakayan sa digital transformation sa pampublikong sektor.
Tinalakay naman ni Masatake Yamamichi ng ADB ang “Strategy 2030: Supporting Digital Transformation.” Nagbahagi si Socioeconomic Planning Undersecretary Kristal Lyn Uy ukol sa digital transformation sa ilalim ng Philippine Development Plan (PDP).
Sa cybersecurity at data privacy sessions, ibinahagi ni National Privacy Commission Deputy Privacy Commissioner Atty. Leandro Angelo Y. Aguirre ang pinakamahusay na pamamaraan para sa pagpapatupad ng Data Privacy Act sa pamahalaan. Nagbigay si Ginoong Andjo Capellan ng Cisco ng pangkalahatang-ideya sa kasalukuyang cybersecurity landscape, na tinutugunan ng mga presentasyon mula kay Engr. George Tardio ng DICT sa National Cybersecurity Plan 2028 at Ulysses Liao ng Trend Micro sa pagpapatupad ng National Security Operations Centers.