MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na ang 38 Filipino crew members ng MV Hondius, kung saan naiulat ang mga kaso ng hantavirus, ay nakatakdang matapos ang kanilang quarantine sa June 18, 2026 matapos mag-negatibo sa virus.
Ayon sa DMW, nakipagpulong ang kanilang team, kasama si Vienna Labor Attaché Delia Palomar, sa mga kinatawan ng ship operator na Oceanwide Expeditions at manning agency na Wagenborg.
“Oceanwide Expeditions confirmed that all 38 Filipino crew members have tested negative for Hantavirus, remained asymptomatic, and are receiving proper care under close medical monitoring,” ayon sa DMW.
Dagdag pa ng ahensya, tiniyak din ng kumpanya na ang mga tripulante ay tatanggap ng buong kompensasyon habang nasa mandatory six-week quarantine at kahit matapos ito, at uuwi sila sa Pilipinas kapag cleared na ng Dutch health authorities.
“The company also assured that the crew members will receive full compensation during and even after the mandatory six-week quarantine period and will be repatriated once cleared by Dutch health authorities,” ayon pa sa DMW. “The quarantine period ends on June 18, 2026.”
Una nang kinumpirma ng DMW na wala sa mga Pilipinong crew ang nagpositibo sa virus, na kumitil ng tatlong iba pa sa barko.
Ayon sa ulat, ang hantavirus ay karaniwang naipapasa mula sa daga patungo sa tao, ngunit sinabi ng WHO na walang nakitang daga sa barko kaya posible ang bihirang human-to-human transmission.
Sinasabing maaaring mangyari ito sa close at prolonged contact, partikular sa Andes strain na matatagpuan sa ilang bahagi ng Latin America na binisita ng barko bago ang insidente. RNT/MND