Home NATIONWIDE PNP, NBI pinayuhan ni Lacson sa pagdakip kay Bato: ‘Intelligence, paghusayin’

PNP, NBI pinayuhan ni Lacson sa pagdakip kay Bato: ‘Intelligence, paghusayin’

27
0

MANILA, Philippines – Ang maayos na intelligence work ang susi sa pagtugis at pag-aresto sa mga high-profile fugitives, kabilang si Sen. Ronald dela Rosa, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson, nitong Linggo.

Ibinigay ni Lacson ang payo na ito sa mga alagad ng batas na kasalukuyang tumutugis din sa iba pang prominenteng personalidad kabilang si dela Rosa, “Atong” Ang, dating Gen. Gerald Bantag, at ex-Rep. “Zaldy” Co na pinaniniwalaang nasa France.

“Unang-una, bilang dati sa law enforcement, intelligence for breakfast, intelligence for lunch, intelligence for dinner. Ang intelligence, ito ang prime mover ng kahit anong operation, law enforcement man or military operation,” aniya sa panayam sa DZBB radio.

Kung walang maayos na intelligence work at koordinasyon, ani Lacson, masasayang lamang ang resources ng mga tagapagpatupad ng batas na inatasang maghanap sa mga high-profile na fugitives.

Si Lacson, na nagsilbi sa law enforcement kabilang na bilang Chief ng Philippine National Police mula 1999 hanggang 2001, ay naging superior ni dela Rosa sa Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF).

Samantala, pinuna ni Lacson ang ilang abogado dahil sa pagiging mapanlinlang at naglalako ng maling impormasyon, kabilang ang isa na nagtangkang ihambing ang kanyang kaso sa kaso ni dela Rosa.

Giit ni Lacson, magkaiba ang kanyang sitwasyon at ang kay dela Rosa, at binigyang-diin din niya na may ilang “abogado” na aniya ay “mapanlinlang at manipulative” sa layuning magligaw ng impormasyon.

“Spot on. Not all lawyers are created equal. Some are learned and updated on jurisprudence; some are dumb and lazy. And yes, some are devious and manipulative with the obvious intent to mislead. All are bound by the code of ethics of the legal profession though,” aniya sa X.

“Maraming paasang abogado, not all lawyers are created equal. May mga lawyers na talagang learned at nag-aaral. May lawyer na dumb and tamad, hindi nag-aaral. May lawyer na devious at wala na magawang mabuti kundi ipilit ang kanilang nalalaman na mali-mali naman,” dagdag ni Lacson sa panayam sa DZBB.

Tinutukoy niya ang pahayag ng isang “abogado” na nagsasabing siya ay umano’y nagtago matapos maging paksa ng arrest warrant. Si dela Rosa ay nananatiling nagtatago matapos maisyuhan ng warrant mula sa International Criminal Court.

Binigyang-diin ni Lacson na noong siya ay nagtago bilang isang “fugitive from injustice” noong 2010s, hindi siya lumabag sa batas dahil ginamit niya ang umiiral na jurisprudence (Miranda v Tuliao) na nagpapahintulot sa akusado na humiling ng judicial relief kahit wala pa sa pisikal na kustodiya ng korte. Kalaunan ay napawalang-sala si Lacson at kinatigan ng Korte Suprema ang desisyon.

Ngunit ipinunto niya na ang naturang jurisprudence ay binago na mula noong huling bahagi ng 2025, kung saan nilimitahan na lamang ito sa anim na buwan.

“Sa akin noon mina-maintain ko, I did not break the law because meron akong Miranda v Tuliao jurisprudence na pinanghahawakan,” ani Lacson.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here