MANILA, Philippines — Umakyat na sa 39 ang nasawi habang 9.4 milyong katao ang naapektuhan ng pinagsamang epekto ng mga bagyong Luis, Maymay at Neneng at ng Habagat, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) nitong Miyerkoles, Setyembre 2.
Mas mataas ito ng 10 kumpara sa 29 na naitalang nasawi noong Agosto 20.
Batay sa datos ng OCD alas-6 ng umaga, pinakamaraming nasawi sa Benguet na may 15 — 10 sa Baguio City, dalawa sa La Trinidad at tatlo sa Atok — na pawang iniugnay sa mga landslide.
Tig-apat naman ang nasawi sa Rizal at Batangas, habang tig-tatlo sa Zambales at Caloocan.
Dalawa ang nasawi sa Pampanga, dalawa sa Quezon at dalawa sa Occidental Mindoro, habang tig-isa naman sa La Union, Pangasinan, Oriental Mindoro at Negros Occidental.
Nakapagtala rin ang OCD ng 20 nasugatan at tatlong nawawala.
Samantala, umabot na sa 2.7 milyong pamilya o 9.4 milyong indibidwal ang naapektuhan ng magkakasunod na sama ng panahon sa Ilocos Region, Central Luzon, Bicol Region, Western Visayas, CALABARZON, Cordillera Administrative Region, Metro Manila at MIMAROPA.
Nasa 71,364 katao o 20,279 pamilya ang nananatili sa 968 evacuation centers, habang patuloy na nakararanas ng pagbaha ang 711 lugar.
Mahigit 3,900 bahay ang napinsala, kabilang ang 3,400 partially damaged at 538 totally damaged.
Umabot naman sa ₱6.27 bilyon ang naiulat na pinsala sa imprastraktura at ₱2.84 bilyon sa agrikultura. Nasa 178 lungsod at munisipalidad na rin ang nasa ilalim ng state of calamity.
Ayon sa OCD, nasa ₱1.85 bilyong halaga ng tulong na ang naipamahagi ng pamahalaan sa mga apektadong komunidad. Santi Cealrio