Home NATIONWIDE 4.1M minimum wage earners nakinabang sa pay hike noong 2023

4.1M minimum wage earners nakinabang sa pay hike noong 2023

MANILA, Philippines- Hindi bababa sa 4.1 milyong minimum wage earners ang nakinabang sa pagsasaayos ng sweldo sa 15 rehiyon noong 2023.

“A total of 15 wage orders were issued by the RTWPBs (Regional Tripartite Wages and Productivity Boards) for workers in the private sector, nine of which were initiated motu proprio,” anang National Wages and Productivity Commission (NWPC) sa social media post nitong Lunes.

Ang RTWPB-National Capital Region (NCR) ang unang naglabas ng wage hike order noong June 26, na nagbigay ng P40 pay hike.

Itinaas nito ang minimum wage sa Metro Manila sa P610 mula P570 para sa non-agricultural sector at naging P573 mula P533 para sa sektor ng agrikultura.

Samantala, ang Northern Mindanao wage board ang pinakahuling naglabas ng wage hike order noong Disyembre 21.

Ang minimum na sahod ng rehiyon ay itinaas sa P438 mula P423 para sa non-agriculture sector, at sa P426 mula P411 para sa agrikultura.

Tanging ang Davao Region wage board ang hindi pa naglalabas ng bagong wage order.

Gayunman, nagsagawa na ito ng mga konsultasyon sa mga stakeholder tulad ng Philippine Statistics Authority, Department of Trade and Industry, National Economic and Development Authority at Department of Agriculture.

Naka-iskedyul ang mga pampublikong pagdinig sa loob ng unang quarter ng 2024.

Samantala, idinagdag ng NWPC na humigit-kumulang 8.1 milyong “full-time wage and salary workers” na kumikita ng higit sa minimum wage ang inaasahang makikinabang sa pagwawasto ng mga distortion sa sahod.

Ang NWPC at ang RTWPBs ay mga attached agencies ng Department of Labor and Employment. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleDOT nakapagtala ng 5.45M int’l tourist arrivals
Next articleSekyu tiklo sa indiscriminate firing sa pagdiriwang ng bagong taon