CLAVERIA, Cagayan- Huli sa akto ang apat na bangag habang bumabatak ng ilegal na droga habang isinisilbi ang warrant of arrest dito sa nasabing bayan.
Sa ipinarating na ulat kay PBGen. Antonio Marallag Jr., Regional Director ng Police Regional Office 02 o PR02, ang mga suspek ay kinilalang sina alyas Peter, 24-anyos, alyas Lando, 33-anyos, alyas John, 23-anyos at alyas Sheila, 27-anyos, pawang mga residente sa nasabing bayan.
Ayon sa pulisya, dahil sa mga ulat kaugnay sa umano’y ilegal na aktibidad ng mga suspek ay isinailalim sa monitoring ang mga ito at nang makumpirma ay naglabas naman ng search warrant ang korte na agad ipinatupad ng mga awtoridad.
Kaugnay rito, nadatnan ng mga operatiba ng kapulisan ang apat na suspek sa kanilang inuupahang bahay habang gumagamit ng droga at sa isinagawang paghahalughog ay nakuha sa lugar ang dalawang plastic sachet ng shabu, limang cellphone, dalawang rolyo ng aluminum foil, dalawang digital na timbangan, tooter, lighter at iba pang drug paraphernalia.
Agad namang kinumpiska ang mga narekober ebidensya habang dinakip din ang mga suspek na ngayon ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Rey Velasco