COTABATO, Philippines – Inaresto ng mga awtoridad ang apat na katao at nasamsam ang hinihinalang shabu na may tinatayang street value na PHP5.4 milyon, sa magkahiwalay na entrapment operations dito at sa Marawi City, nitong Sabado.
Sa lungsod na ito, naaresto ang isang mag-inang tandem sa isinagawang entrapment operation sa Barangay Poblacion 5 dakong alas-7 ng gabi ng Biyernes, Agosto 8, 2025. Nasamsam ng mga anti-narcotics agents ang PHP3.4 milyong halaga ng ipinagbabawal na droga.
Nanguna sa entrapment operation ang mga agent ng Philippine National Police (PNP) Drug Enforcement Group – Regional Operations Unit sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PDEG-ROU-BARMM).
Sa ulat kay Brig. Gen. Jaysen de Guzman, BARMM regional police director, ang PDEG-ROU-BARMM, inaresto ng mga anti-narcotics operatives si alyas Fhar, 38, ng Barangay Poblacion 1, matapos niyang ibigay ang mga ipinagbabawal na gamot sa isang undercover agent.
Kasama niya ang kanyang 16-anyos na anak na babae sa operasyon. Nakuha sa kanila ang 10 malalaking sachet ng hinihinalang shabu.
Itinurn-over sa city social welfare office ang 16-anyos, habang ang ina ay sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa Marawi City naman, naaresto ng pulisya ang dalawang hinihinalang big-time na nagbebenta ng droga sa Barangay Matampay noong alas-3 ng hapon, Biyernes, Agosto 8, 2025.
Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina Aspira Camid, 30, at Maulana Azis, 31, kapwa ng bayan ng Saguiaran sa Lanao del Sur. Nakuha mula sa kanila ang tatlong malalaking sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P2 milyon ang street value.
Dumalo sa operasyon sina Marawi City Mayor Majul Gandamra at Vice Mayor Sihawi Macauyag bilang pagpapakita ng suporta sa kampanya kontra droga ng PNP.
Inihahanda na ng pulisya ang kaukulang kaso laban sa mga suspek. RNT/MND