SHENZHEN, China – Nangako si Chinese President Xi Jinping na maglalaan ang China ng $20 milyon upang suportahan ang mga inisyatiba ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC).
Gagamitin ang pondo sa pagtatayo ng isang sentro para sa pag-aaral ng Asia-Pacific community sa Shenzhen, na magsasagawa ng pananaliksik sa mga polisiya at palitan ng kaalaman upang suportahan ang kooperasyon sa rehiyon.
Ayon kay Xi, magtatatag din ang China ng mga institusyon para sa kooperasyon sa larangan ng digital technology, cross-border data flow, malinis na enerhiya at pag-unlad ng mga bagong modelo ng negosyo.
Sa kanyang pambungad na pahayag sa ika-33 APEC Economic Leaders’ Meeting, nanawagan si Xi ng pagkakaisa at pagtutulungan ng mga bansa sa Asia-Pacific.
Binigyang-diin niya ang pagpapalakas ng ekonomiya at kalakalan, pagpapahusay ng konektibidad, pagsusulong ng inobasyon at pagpapaunlad ng rehiyon upang matugunan ang mga pandaigdigang hamon.
Hinimok din niya ang mga miyembro ng APEC na itaguyod ang malaya at bukas na kalakalan at pamumuhunan, alisin ang mga hadlang sa daloy ng mga produkto at serbisyo, at palawakin ang oportunidad para sa paglago ng ekonomiya. RNT/MDS