BAGUIO CITY- Swak sa kulungan ang isang babae at tatlong lalaki matapos maaresto sa isinagawang anti-illegal drugs buy-bust operation ng PDEA at ng PNP sa Baguio City nitong Martes, Marso 25.
Ayon sa PDEA CAR, ang naarestong babae ay edad 49 na residente ng Baguio City samantalang ang mga naarestong lalaki ay isang 45-anyos na PNP enlisted na residente rin ng Baguio City; isang 38-anyos na tattoo artist na residente ng Valenzuela City; at isang 37-anyos na mekaniko, residente ng Agoo, La Union.
Sa naturang operasyon ay nakakumpiska ang mga operating team ng 20 vacuum-sealed transparent plastic bag na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Tinatayang nasa 20 kilo ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng mga PDEA at PNP personnel sa naturang buy-bust operation na nagkakahalaga ng P136,000,000.
Bukod sa hinihinalang shabu, may mga nakumpiska ring mga non-drug evidence mula sa mga suspek.
Ang buy-bust operation ay ikinasa ng mga pinagsanib na pwersa mula sa PDEA RO-NCR Northern District Office, PDEA RO-NCR RSET2, PDEA RO CAR Baguio City/Benguet Provincial Office, PRO-CAR RDEU at Baguio City Police Office (BCPO). Rolando S. Gamoso