TARLAC, Philippines — Arestado ang apat na lalaki na umano’y nangholdap sa isang hardware store sa Bamban, Tarlac, ayon sa Police Regional Office-Central Luzon (PRO 3).
Natunton ang mga suspek sa magkakahiwalay na operasyon sa Porac at Mabalacat, Pampanga noong Linggo. Isa sa kanila ang itinuturong lider ng grupo at may nakabinbing warrant of arrest para sa frustrated murder at robbery.
Ayon sa pulisya, natukoy ang mga suspek sa pamamagitan ng CCTV footage. Pumasok umano sila sa tindahan matapos sirain ang fire exit window at tinangay ang vault na may P81,020 cash at dalawang impact drill na nagkakahalaga ng P3,500 bago tumakas sa likurang pinto.
Nahaharap ang apat sa kasong robbery at illegal possession of firearms.
Iniimbestigahan din sila sa umano’y pagkakasangkot sa isang pagnanakaw sa Palayan City, Nueva Ecija, at tatlong iba pang robbery sa Isabela. May dalawa pang suspek na pinaghahanap ng pulisya. RNT/MDS