MANILA, Philippines – Inatasan ni Mayor Jeanie Sandoval ang lahat ng kinauukulang departamento ng lokal na pamahalaan ng Malabon na ipatupad ang contingency plan ng lungsod para matiyak ang ligtas at maaasahang transportasyon ng mga residente sa lungsod, kasunod ng itinakdang nationwide transport strikes ng transport groups mula Hulyo 22 hanggang 24.
“Hindi natin hahayaan na maantala ang pagpasok sa trabaho, paaralan, at iba pang mahahalagang lakad ng ating mga kababayang MalabueƱo. Nakahanda ang Pamahalaang Lungsod ng Malabon at sama-sama tayong kikilos upang matiyak ang ligtas, maayos, at tuloy-tuloy na serbisyo para sa lahat,” ani Mayor Jeannie.
Nagpatawag ng coordination meeting ang Public Safety and Traffic Management Office (PSTMO) kasama ang PNP, BFP, Liga ng mga Barangay, General Services Department (GSD), MDRRMO, Malabon City Action Team (MCAT), at iba pang cory department para ipatupad ang mga response measures at deployment plan ng lungsod.
Bilang bahagi ng contingency plan, ang pamahalaang lungsod ay naglagay ng 7 sasakyan mula sa iba’t ibang departamento upang magbigay ng tulong sa transportasyon at agad matugunan ang mga pangangailangan ng mga stranded commuters.
Magpapakalat din ng mga tauhan mula sa PSTMO para pamahalaan ang trapiko at tulungan ang mga pasahero.
Tiniyak din ng PNP na magpapatuloy ang mga operasyon para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan at i-secure ang mga pangunahing ruta ng transportasyon habang ang BFP ay magsasagawa ng patuloy na pagsubaybay sa buong lungsod.
Nagpahayag din ng suporta ang mga local transport groups kabilang ang Malabon Jeepney Transport Service Cooperative (MAJETSCO), Tricycle Operators and Drivers Association , at Pedicab Operators and Drivers Association, sa contingency measures ng lungsod at kinumpirma na hindi sila lalahok sa transport strike. Pinaalalahanan sila ng pamahalaang lungsod na iwasan ang labis na paniningil ng pamasahe upang maprotektahan ang mga commuters.
Binigyang-diin ni Mayor Jeannie Sandoval na nananatiling proactive ang lokal na pamahalaan sa pagtiyak na magpapatuloy ang mahahalagang serbisyo sa kabila ng pagkagambala sa transportasyon.
Samantala, binigyang-diin ni City Administrator Dr. Alexander T. Rosete ang kahalagahan ng inter-agency coordination sa paghahatid ng mahusay at organisadong tugon. (Merly Duero)