LAGUNA, Philippines – Apat na lalaki ang inaresto ng pulisya dahil sa umano’y fuel pilfering o “paihi” sa isang operasyon noong Miyerkules ng gabi sa Alaminos, Laguna.
Ayon sa Police Regional Office 4A, nagsasagawa ng routine patrol ang mga pulis kasama ang mga barangay tanod nang mahuli nila ang mga suspek na aktong nagsasalin ng krudo mula sa dalawang tanker truck sa Alaminos–Lipa City bypass road sa Barangay San Miguel bandang alas-11 ng gabi.
Nakilala ang mga suspek sa kanilang mga alyas na “Roberto,” 34; “Fernan,” 33; at “Mark Paolo,” 28 — pawang mga driver — at ang helper na si “Jericho.”
Ayon sa awtoridad, nasa 400 litro ng petroleum products na nagkakahalaga ng P40,000 ang kanilang nakuha at nailipat sa isang drum sa loob ng Mitsubishi L300 van na minamaneho ni “Mark Paolo.”
Ang “paihi” ay isang terminong Pilipino na tumutukoy sa pagnanakaw o pagsipsip ng krudo mula sa tangke o depot.
Dinala na sa kustodiya ng pulisya ang mga suspek at haharap sa mga kasong kriminal.
Kinumpiska rin ang dalawang tanker truck at ang van na ginamit sa operasyon. RNT/MND