WASHINGTON, USA – Tumaas ng apat na porsiyento ang presyo ng langis nitong Huwebes matapos igiit ng Iran na hindi nito bubuksan ang Strait of Hormuz hangga’t may naval blockade ang Estados Unidos, kahit may umiiral na ceasefire.
Bandang 0025 GMT, umakyat ng 4.06% ang US oil benchmark na West Texas Intermediate (WTI) sa $96.73 kada bariles. Samantala, ang international benchmark na Brent North Sea crude ay tumaas ng 3.62% sa $105.63, bago bahagyang bumaba makalipas ang ilang minuto.
Patuloy na tumataas ang presyo ng langis mula nang umatake ang Israel at Estados Unidos sa Iran noong Pebrero 28, habang nananatili ang pangamba kung muling sasabog ang digmaan.
Sinabi rin ni US President Donald Trump noong Martes na pananatilihin ang tigil-putukan upang bigyan ng mas maraming oras ang peace talks na pinangunahan ng Pakistan.
Tinanggap naman ng Iran ang pagsisikap ng Pakistan, ngunit wala nang ibang naging pahayag hinggil sa anunsyo ni Trump. RNT/MND