Home NATIONWIDE 4 bagong ecotourism bills isinusulong sa Albay

4 bagong ecotourism bills isinusulong sa Albay

1
0

MANILA, Philippines – Isinusulong sa Kamara ni Albay Rep Adrian Salceda  ang apat na panukalang batas na naglalayong ideklara at idevelop bilang mga opisyal na ecotourism site ang apat na likas at pangkasaysayang destinasyon sa Ikatlong Distrito ng Albay.

Sa kanyang sponsorship speech sa harap ng House Committee on Tourism, binigyang-diin ni Salceda na bukod sa Bulkang Mayon ay may iba pang mga destinasyon sa Albay na may malaking potensyal sa turismo, kabilang ang mga bundok, kuweba, at underground river.

​Ayon kay Salceda, layunin ng kanyang mga panukalang batas na palaguin ang turismo habang pinoprotektahan ang kalikasan at nagbibigay ng pangkabuhayan sa mga lokal na komunidad.

Kabilang sa mga isinusulong na panukalang batas ang  House Bill No. 4002 na layong gawing ecotourism destination ang Mount Quiasog sa bayan ng Libon para sa trekking at iba pang nature-based activities.

​Ang House Bill No. 4008 o deklarasyon sa Simeon Ola Cave sa Guinobatan bilang isang historical ecotourism site upang alalahanin at parangalan ang pamana ni Heneral Simeon Ola.

Ang House Bill No. 4010  na pagsasaayos at maingat na pagpapatakbo sa Jovellar Cave and Underground River sa Jovellar, na nakatala bilang Class II cave sa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

At House Bill No. 4013 na agpapaunlad sa Buhawi Hills sa Pio Duran para sa eco-adventure at trekking, na may sapat na pagpaplano upang maiwasan ang soil erosion at pagkasira ng kalikasan.

​Sinabi ng solon na kailangang magkasabay ang pag-unlad ng turismo, pangangalaga sa kapaligiran, at pagbibigay ng oportunidad sa mga lokal na tour guide, maliliit na negosyo, at pampublikong serbisyo.

​Idinagdag pa ni Salceda na hangad niyang pakinabangan ng kasalukuyan at susunod na henerasyon ng mga Albayano ang magagandang pasyalan sa lalawigan nang hindi nasisira ang likas na yaman nito. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here