MANILA, Philippines — Naghain sina Camarines Sur 5th District Rep. Migz Villafuerte at 2nd District Rep. Luigi Villafuerte ng panukalang batas na magtatakda ng malinaw na panuntunan sa mga transaksiyong isinasagawa ng artificial intelligence (AI) agents at titiyak na mananagot pa rin ang mga tao o negosyong nasa likod ng mga ito.
Sa ilalim ng House Bill No. 11014 o ang panukalang “AI Agent Transactions and Accountability Act,” kinikilala ang kakayahan ng AI agents na makipagnegosasyon, magsagawa ng kontrata at electronic documents, magpasimula ng transaksiyon, at makipag-ugnayan sa mga automated technology kapag pinahintulutan ng isang tao o entidad.
“As AI agents become more capable of acting on behalf of people and businesses, our laws must keep pace. We need clear rules that establish accountability without unnecessarily holding back innovation,” ani Rep. Migz, chairman ng House Committee on Information and Communications Technology.
Nililinaw ng panukala na walang sariling legal personality o karapatan sa pagmamay-ari ang AI agents. Ang mga kilos na isasagawa ng mga ito sa loob ng awtoridad na ibinigay ng kanilang principal—ang tao o entidad na nagbigay ng pahintulot—ay ituturing na pananagutan ng principal.
Inaatasan din ng panukala ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na magtatag ng boluntaryong registration system at Digital Authority Credential framework upang mapatunayan ng mga third party ang pagkakakilanlan ng principal at lawak ng awtoridad ng AI agent, nang hindi inilalantad ang kumpidensiyal na authentication information.
Limitado lamang sa ilang transaksiyong may mataas na halaga, panganib o malawak na epekto ang mandatory registration, lalo na sa mga larangang kulang ang umiiral na regulasyon.
Layunin din ng panukala na protektahan ang lehitimong pagmamay-ari ng digital assets, self-custody, peer-to-peer transactions at open-source technologies. Hindi nito kakailanganing ibunyag ang private keys, seed phrases o passwords.
“As chairman of the ICT Committee, I believe our approach should be risk-based and technology-neutral. We should address actual risks to consumers, businesses, and the public while giving innovators room to develop future digital technologies,” dagdag ni Migz.
Sa usapin ng pananagutan, mananatiling responsable ang principal sa mga kilos ng AI agent, maliban sa ilang sitwasyong gaya ng pagnanakaw o pagkakompromiso ng credentials, hindi awtorisadong pag-access, pandaraya, pakikialam ng masasamang third party at mga pangyayaring hindi nila kontrolado.
Ang sinumang sadyang lalabag sa batas para sa pandaraya o pag-iwas sa umiiral na regulasyon ay maaaring pagmultahin ng ₱200,000 hanggang ₱2 milyon, makulong nang anim na buwan hanggang anim na taon, o kapwa, bukod pa sa pananagutan sa ilalim ng ibang batas.
Poprotektahan din ang mga third party na kumikilos nang may mabuting loob batay sa wastong Digital Authority Credential. Hihingin din ang angkop na pagtatala ng mga transaksiyong may legal na epekto na isinagawa ng mga rehistradong AI agent.
Ayon kay Rep. Luigi, deputy majority leader, bahagi ang panukala ng mas malawak na paghahanda ng bansa sa mabilis na paglaganap ng AI at iba pang umuusbong na teknolohiya.
“We need legislation that gives Filipinos and Philippine businesses the confidence to embrace new technologies while making sure that innovation is matched by responsibility and clear rules,” aniya.
Kapwa rin may-akda ang magkapatid ng House Bill No. 2827 o ang panukalang “Artificial Intelligence Development and Regulation Act,” na naglalayong suportahan ang National AI Strategy for the Philippines at magtatag ng mas malawak na balangkas para sa responsable at ligtas na pagbuo, paggamit at regulasyon ng AI.
Ayon sa mga mambabatas, kailangang maglatag ang 20th Congress ng mga panuntunang magtataguyod sa ligtas at responsableng paggamit ng AI sa tahanan, trabaho at paaralan, kabilang ang mga pananggalang laban sa paglalantad ng sensitibong datos at pagkalat ng mali at mapaminsalang impormasyon. RNT/MDS