Bulacan – Pormal nang hiniling ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) na isailalim na sa State of Calamity ang apat na bayan at lungsod.
Sa ulat nitong Miyerkules, inindorso ang mga bayan ng Calumpit, Guiguinto, Balagtas, Bocaue at lungsod Meycauayan.
Ginawa ito dahil sa malaking pinsalang natamo ng mga bayan mula sa paghagupit ng bagyong Crising at patuloy na pag-ulan dulot ng habagat.
Kaugnay nito, mula sa inisyal na P20 milyon pinsala sa agrikultura noong Martes ay umabot na ito sa P56 milyon habang naitala rin ang P436,000 naman sa sektor ng paghayupan, ayon na rin sa ulat ni PDRRMO chief Manuel Lukban Jr.
Sa imprastraktura, may report na malaking pinsala ang naputol na tulay na nag-uugnay sa Doña Remedios Trinidad at San Miguel.
Samantala, naitala ng mga awtoridad ang 16, 634 pamilya ang nailikas sa 56 evacuation centers sa lalawigan.
Sinusulat ito, maraming mababang lugar sa bayan ng Calumpit, Hagonoy, Paombong, Malolos, Guiguinto, Bulakan, Balagtas, Bocaue, Marilao, Meycauayan, Obando at iba pang lugar na malapit sa kailugan ang lubog pa sa baha dahil sa dambuhalang high tide na may taas na 4.9 feet na lumusob pasado alas-7:00 umaga nitong Miyerkules at patuloy na binabayo ng ulan dulot ng habagat. Dick Mirasol III