Home NATIONWIDE Isko umapela sa national government, magtayo ng mas maraming STP sa Maynila

Isko umapela sa national government, magtayo ng mas maraming STP sa Maynila

296
0

MANILA, Philippines – HINIMOK ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang pambansang pamahalaan na magtayo ng mas maraming sewage treatment plants (STP) sa kabisera ng bansa para na rin sa pangmatagalang solusyon sa pagbaha na nararanasan ng mga Manilenyo bunsod ng walang tigil na buhos ng ulan dulot ng bagyo o habagat.

Sa isang panayam, sinabi ni Domagoso na ang pagtatayo ng mas maraming STP ay magbibigay sa lungsod ng malakas na kakayahan upang maiwasan ang pagbaha sa kabila ng malakas na pag-ulan, kumpara sa mga panandaliang hakbang ng lingguhang declogging.

Sinabi ng alkalde na may utos ang Korte Suprema na nag-aatas sa mga ahensiya ng pamahalaan na linisin, isailalim sa rehabilitasyon, at pangalagaan ang Manila Bay, kabilang ang paglalagay ng STP.

Paliwanag pa niya, nasa ilalim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagtatayo ng STP upang makasunod sa utos ng Mataas ng Hukuman.

Maganda aniya ang itinayong STP ng DENR at DPWH sa Roxas Boulevard bilang pagsunod sa utos ng Korte Suprema subalit hindi aniya ito sapat lalu na’t barado na aniya ang malalaking tubo sa pangunahing kanal kaya hindi sapat ang paghigop sa dami at bilis ng daluyong ng tubig-ulan at baha.

Binigyang-diin pa ni Yorme Isko na kung susundin ang kautusan ng korte, kailangan aniya ay malagyan din ng STP ang Baseco sa Brgy. 105 at Brgy. 128 sa Parola dahil papunta rin sa dagat ang tubig mula rito.

Pinuna rin niya ang mga nakuha nilang bara sa mga binuksang imburnal sa Taft Avenue na sa halip na basura lamang, napuno na rin aniya ito ng buhangin, lupa at burak.

Samantala, umapela si Yorme sa DPWH na isagawa na ang rehabilitasyon ng Sunog Apog pumping station na malaking tulong sa pagpigil ng baha sa tuwing may bagyo.

Sa kanyang ulat kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla nitong Miyerkules, sinabi ng alkalde na bagama’t patuloy ang kanilang declogging, malaking hamon pa rin sa kanila ang ilang hindi gumaganang pumping stations.

Sinabi ng alkalde na bagama’t fully operational ang mga pumping stations na pinangangasiwaan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) may mga bagong itinayong pumping stations na hindi pa rin operational o kailangan na ng rehabilitasyon, tulad ng sa Sunog Apog.

Ipinaliwanag niya na sinasalo ng Maynila ang mga tubig baha na galing ng Marikina at Quezon City na dumadaloy sa pinakamalaki nilang ilog na Estero de Sunog Apog na dahilan ng malawak na pagbaha sa lugar na may malaking komunidad. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here