MANILA, Philippines – Apat na high-value individuals (HVI) ang inaresto matapos makumpiskahan ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1.36 milyon at isang baril sa buy-bust operation sa Barangay New Lower Bicutan, Taguig City nitong nitong Miyerkules ng madaling araw, Setyembre 9.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Rodel A. Pastor ang mga nadakip sa mga alyas “Tol,” 37; “Michelle,” 35; “Jamiel,” 20; at “Junel,” 28.
Batay sa ulat na natanggap ni Pastor, ikinasa ng pinagsanib na puwersa ng District Drug Enforcement Unit, Taguig City Police Sub-Station 9 at Tactical Motorcycle Riding Unit ang operasyon bandang ala-1:10 ng madaling araw sa Roldan Street, Purok 2.
Nauna umanong nagsagawa ng surveillance ang mga operatiba bago nagkasa ng buy-bust. Nakabili umano ng ilegal na droga ang isang undercover police officer mula kay alyas Tol, na humantong sa pagkakaaresto sa apat.
Nasamsam sa operasyon ang anim na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu. Tinatayang 200 gramo ang kabuuang timbang nito at nagkakahalaga ng P1.36 milyon.
Narekober din umano sa pag-iingat ni alyas Tol ang isang Glock 17 Gen 5 9mm pistol, magazine na may pitong bala, buy-bust money, cellphone at sling wallet.
Nahaharap ang mga suspek sa mga reklamong paglabag sa Sections 5, 11 at 26 ng Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nahaharap din si alyas Tol sa reklamong paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act dahil sa nakumpiskang baril.
Isusumite ang mga reklamo sa Taguig City Prosecutor’s Office. (James I. Catapusan)