LAOAG CITY — Nasawi ang isang apat na buwang gulang na sanggol habang dalawa pang menor de edad ang nasugatan matapos magsalpukan ang isang motorsiklo at tricycle sa Barangay 28 sa Laoag City, Ilocos Norte.
Batay sa isang video footage, umikot ang tricycle dahil sa lakas ng banggaan habang sumemplang naman ang motorsiklo.
Ayon sa pulisya, sakay ng tricycle ang sanggol at dalawa pang menor de edad nang mangyari ang aksidente.
Sinabi umano ng driver ng tricycle na sinubukan niyang iwasan ang paparating na motorsiklo, ngunit natamaan nang malakas ang bahagi ng sidecar.
Dahil sa impact ng banggaan, nagtamo ng matinding pinsala ang tricycle.
Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang buong pangyayari at kung sino ang maaaring managot sa insidente.
Nakatakda ring mag-usap ang driver ng tricycle at rider ng motorsiklo, habang hinihintay pa ang pahayag ng rider kaugnay ng aksidente. RNT