Home NATIONWIDE Saksi: Cash deliveries kay Zaldy Co posibleng lumampas sa P1-B

Saksi: Cash deliveries kay Zaldy Co posibleng lumampas sa P1-B

1
0

MANILA, Philippines — Posibleng lumampas sa P1 bilyon ang kabuuang perang naihatid umano kay dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co sa walong magkakahiwalay na pagkakataon, ayon sa testimonya ng isang prosecution witness sa Sandiganbayan.

Inilahad ito ni Wilt Walter Rosales, dating personal assistant ni former Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan First District engineer at state witness Henry Alcantara, sa ikaanim na araw ng pagdinig sa petition for bail ni dating House Speaker Martin Romualdez.

Nang tanungin ni Sandiganbayan Third Division Associate Justice Ronald Moreno kung umabot sa P1 bilyon ang kabuuang halagang naihatid niya kay Co sa walong pagkakataon, sinabi ni Rosales: “Maaari pong umabot mahigit.”

Tatlo umano sa mga delivery ang ginawa sa Horizon Residence ni Co sa Taguig City habang lima naman sa kanyang residence sa Valle Verde sa Pasig City.

Ayon kay Rosales, naganap ang mga delivery noong Pebrero 2022; Enero, Pebrero, Setyembre, Oktubre at Disyembre 2023; Enero 2024; at Disyembre 2024.

Sinabi niyang durabox ang ginamit sa paghahatid noong 2022 bago gumamit ng mga maleta simula 2023.

Isinalaysay din ni Rosales na kasama niyang nagbibilang ng pera si Engineer Carlo Rivera ng Bulacan First DEO bago ito ilagay sa medium at large suitcases.

Aniya, ang pinakamalaking halagang personal niyang nabilang sa isang pagkakataon ay nasa P100 milyon.

Tinatayang P20 milyon umano ang maaaring laman ng isang medium-sized suitcase at maaari itong umabot sa P25 milyon kung expandable. Sa malaking maleta naman, sinabi niyang maaaring maglaman ito ng P20 milyon at umabot sa P40 milyon hanggang P45 milyon kapag expandable.

Gayunman, kinuwestiyon ng mga abogado ni Romualdez ang bahagi ng testimonya ni Rosales at itinuro na hindi nakasaad sa kanyang judicial affidavit ang ilang partikular na halagang sinabi niyang maaaring magkasya sa mga maleta.

Sinabi rin ni Rosales na may sticky note sa bawat maleta na nagsasaad ng halaga ng perang nasa loob nito.

Kapag hindi umano siya kasama ni Alcantara sa delivery, humihingi ito ng acknowledgment receipt bilang patunay na naihatid ang pera.

Ayon kay Rosales, nilalagdaan umano ang mga resibo ng executive assistants ni Co na sina John Paul Estrada o Mark Ticsay at ipinapatapon ni Alcantara matapos makumpirma ang delivery.

Gayunman, nang tanungin kung sinabi sa kanya ni Alcantara kung para saan ang mga perang inihahatid, sumagot si Rosales ng “hindi po.”

Nahaharap sina Romualdez, Co at iba pang akusado sa P7.4-bilyong plunder case kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects. Patuloy ang pagdinig ng Sandiganbayan sa petition for bail ni Romualdez. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here