ZAMBOANGA DEL SUR, Philippines – Inaresto ng mga awtoridad ang apat na Chinese nationals sa magkakahiwalay na operasyon ngayong linggo dahil sa paglabag sa immigration at public documentation laws, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng gobyerno laban sa ilegal na aktibidad ng mga dayuhan.
Noong Abril 14, nagsagawa ng operasyon sa Zamboanga City ang Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP), Bureau of Immigration (BI) Mindanao, 1st Infantry Division ng Army, at Philippine National Police (PNP) sa Unisales, Gov. Camins Avenue.
Dito, naaresto ang tatlong Chinese nationals na sina Lin Weidong (57), Xie Meiya (54), at Qiu Meiyu (41), pawang mula Fujian, China. Ayon sa awtoridad, lumabag sila sa immigration at public documentation laws at itinuring na “undesirable” dahil sa posibleng banta sa public interest, national security, at public order.
Makalipas ang dalawang araw, isa pang operasyon sa 3 Dragon Hardware sa Ipil, Zamboanga Sibugay ang nagresulta sa pagkakaaresto kay Lin Wenyu, alyas Anson Lais Lim (52), na mula rin sa Fujian, China.
Ayon sa imbestigasyon, nagpapanggap umano siyang Pilipino upang makakuha ng government-issued IDs at corporate documents. Kakasuhan siya sa ilalim ng Philippine Immigration Act of 1940 at falsification provisions ng Revised Penal Code.
Nasamsam din sa operasyon ang ilang smuggled goods, kabilang ang mga exotic animals. Inilipat si Lin sa Ipil municipal police para sa dokumentasyon.
Pinuri naman ng 1st Infantry Division commander Maj. Gen. Yegor Rey Barroquillo Jr. ang koordinasyon ng mga ahensya, at sinabing mahalaga ang ganitong operasyon para sa pagpapanatili ng seguridad, kaayusan, at pagpapatupad ng batas sa Zamboanga Peninsula. RNT/MND