MANILA, Philippines – Hinarang ng Bureau of Immigration (BI) ang pagpasok sa bansa ng apat na dayuhang may hatol sa sex crimes bilang bahagi ng kampanyang #ShieldKids.
Ipinasok ang exclusion orders mula Oktubre 26 hanggang Nobyembre 4 sa NAIA, Clark, at Mactan-Cebu airports.
“The Philippines will never be a safe haven for convicted predators. Our airports serve as the first line of defense in protecting our children, and we will continue to strengthen border security through the #ShieldKids campaign,” ani BI Commissioner Joel Anthony Viado.
Kabilang sa mga hinarang ang 56-anyos na Amerikanong nahatulan noong 1996 para sa lewd acts sa bata, 34-anyos na New Zealander na nahatulan sa pagpapadala ng sexually explicit na larawan sa menor de edad, 77-anyos na Canadian na nahatulan noong 2018 sa child pornography, at 69-anyos na Amerikanong nahatulan noong 2008 sa sexual act laban sa 15-anyos na biktima.
Lahat sila ay isinama sa BI blacklist upang hindi makapasok muli sa bansa.
Dagdag ni Viado na nakikipagtulungan ang BI sa mga international agencies at Philippine Center on Transnational Crime para bantayan at hadlangan ang mga dayuhan na may kriminal na rekord. RNT