MANILA, Philippines – Nag-inspeksyon si DPWH Secretary Vince Dizon sa Paco Pumping Station ngayong Martes ng umaga matapos masira ang floodgate ng nasabing pasilidad, dahilan para pasukin ng tubig ang Estero de Paco.
Ayon sa operator ng Paco Pumping Station na pinatatakbo ng Metro Manila Development Authority (MMDA), winasak ng malakas na hangin at matinding ragasa ng tubig mula sa Ilog Pasig ang floodgate ng Paco Pumping Station dulot ng bagyong Uwan.
Halos umapaw ang tubig, na umabot sa 12.8 metro ang taas — pinakamataas na naranasan ng nasabing pumping station.
Bunsod nito, nakaranas ng matinding pagbaha ang mga katabing kalsada hanggang sa UN Avenue at Quirino Avenue Extension.
Agad namang ipinag-utos ni Sec. Dizon ang pagkukumpuni sa floodgate, na inaasahang matatapos sa loob ng dalawang linggo, base sa pahayag ng consultant sa proyekto mula South Korea.
Sinabi rin niya na may dalawang taong warranty ang proyekto kaya walang gastos ang gobyerno sa pag-aayos. Sana lang, aniya, ay walang pag-ulan o bagyo sa loob ng dalawang linggo. Makikipag-ugnayan din si Dizon kay MMDA Chairman Romando Artes para maghanda ng portable water pump bilang pansamantalang solusyon sa posibleng pagbaha sa 36 barangays na sakop ng Paco Pumping Station.
Hindi rin pinatawad ng malakas na hangin at ulan dulot ng Super Typhoon Uwan ang ibang bahagi ng Paco, Manila, na nagresulta sa puwersang paglikas ng mga residente.
Sa ulat, nasira ang isang floodgate sa pumping station noong kasagsagan ng bagyo.
Sinabi ng MMDA na ang pinsala ay maaaring sanhi ng volume mula sa Pasig River, na umabot sa higit sa 12 metro bandang alas-10 ng gabi noong Linggo.
Kasalukuyang isinasagawa ang imbestigasyon.
Samantala, maraming bahay sa Baseco, Manila, ang nasira ng malakas na alon mula sa Manila Bay.
Humingi ng tulong ang mga residente upang makabangon mula sa pagkawasak, habang naghahanap ng posibleng relocation site ang mga opisyal ng barangay.
Pitong pansamantalang bahay ang malubhang nasira, habang lima ang partially damaged. Isang bahay ang tinangay ng halos isang kilometro mula sa orihinal nitong lokasyon.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, nasa 3,370 pamilya, o higit sa 10,000 indibidwal, ang sumilong sa mga evacuation center, ngunit ang ilan sa kanila ay nagsisimula nang bumalik sa kani-kanilang mga tahanan. Jocelyn Tabangcura Domenden