MANILA, Philippines – Apat na high-value individuals (HVIs) ang arestado ng mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit ng Southern Police District (DDEU-SPD) matapos makumpiskahan ang mga ito ng P1.7 milyong halaga ng shabu sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay South Signal, Taguig City, Martes ng gabi, Agosto 12.
Sa report na natanggap ni SPD director P/Brig. Gen. Randy Arceo ay nakilala ang apat na nadakip na sina alyas Roko, 43; alyas Daud, 49; alyas Nasrudin, 41; at nag-iisang babaeng suspek na si alyas Ana, 21, na lahat ay kinokonsiderang mga HVIs.
Sinabi ni Arceo na naganap ang pag-aresto sa mga suspek sa isinagawang buy-bust operation ng mga tauhan ng DDEU sa tulong ng District Intelligence Division (DID) at ng mga miyembro ng Sub-Station 6 ng Taguig City police bandang alas-9:50 ng gabi sa Barangay South Signal, sa lungsod.
Sa isinagawang operasyon ay nakakumpiska ang mga operatiba ng limang heat-sealed plastic sachets na naglalaman ng 250 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1,700,000.







