MANILA, Philippines – BINEBERIPIKANG mabuti ng Office of Civil Defense (OCD) ang ulat na may apat ang nasawi at anim ang nawawala habang patuloy na nananalasa at humahagupit ang Severe Tropical Storm Opong sa bansa.
Tinukoy ang impormasyon mula sa National Disaster and Risk Reduction Management Council (NDRRMC), sinabi ng OCD na may apat na napaulat na nasawi sa Bicol, habang anim naman ang napaulat na nawawala sa Eastern Visayas.
“Kina-clarify po namin, we received those initial reports but then again sa proseso po, this is from the management of the dead and missing clusters and we would validate that through these clusters. But yes, those data are reportedly among the casualties, dead po ‘yung apat,” ang sinabi ni OCD spokesperson Junie Castillo sa virtual press briefing.
Tinuran pa ng OCD na ang epekto ng bagyong Opong ay nagsimulang maramdaman , Biyernes ng umaga partikular na sa Bicol at Eastern Visayas, kung saan ang bagyo ay kumikilos patungong MIMAROPA (Region IV-B).
“Alam naman natin ang Opong, naramdaman siya kagabi, ngayon ongoing pa ‘yung effects niya — Region 8, 5, ngayon papasok na siya sa IV-B,” ang winika ni Castillo.
Sa updated advisory ng OCD, sinabi nito na ipinahayag ng weather bureau PAGASA na napanatili ng bagyong Opong ang lakas nito matapos dumaan sa Sibuyan at Tablas Islands sa Romblon na ngayon ay patungo na sa Mindoro Island.
Huling namataan ang bagyong Opong sa coastal waters ng Ferrol, Romblon na may lakas ng hangin na 110 km/h malapit sa sentro, pagbugso ng hanggang 150 km/h, at central pressure na 985 hPa.
Itinaas naman ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 3 sa mahigit na limang Luzon provinces, hilagang bahagi ng Aklan, at Caluya Island sa Visayas.
Sa kabilang dako, nilinaw ng OCD na ang naunang napaulat na nasawi ay walang kinalaman sa Opong kundi sa ibang weather systems gaya ng Mirasol at Nando, gaya ng naunang naiulat ng NDRRMC. Kris Jose