Home METRO 4 iskul sa OccMin, binulabog ng bomb threat

4 iskul sa OccMin, binulabog ng bomb threat

3
0

OCCIDENTAL MINDORO — Iniimbestigahan ng pulisya ang umano’y bomb threat na ipinadala sa ilang estudyante ng apat na paaralan sa bayan ng Sablayan nitong Lunes ng gabi.

Dakong alas-6 ng gabi nang makatanggap ang ilang estudyante ng mensahe sa Messenger. Agad nila itong ipinaalam sa kanilang mga magulang, na nagsumbong naman sa mga awtoridad.

Ayon sa mensahe, isang nagpakilalang miyembro ng cartel ang nagbantang pasasabugin ang mga paaralan at papatayin ang mga mag-aaral dahil umano sa pamamahiya ng ilang guro at estudyante sa ilang bata. Nakasaad din na magsisimula ang umano’y “sabugan” at “patayan” sa Hulyo 15, 2026.

Kabilang sa mga paaralang binanggit sa banta ang Sta. Lucia I Elementary School, Payompon Elementary School, D-SHEP Adventist School at Sta. Lucia II Elementary School.

Agad na nagtungo ang mga pulis sa mga paaralan at nakipag-ugnayan sa mga opisyal ng paaralan at iba pang ahensya upang magsagawa ng security assessment at validation.

Tiniyak ng mga awtoridad na ligtas ang mga mag-aaral, guro at kawani ng mga paaralan.

Patuloy na tinutunton ng Sablayan police ang pinagmulan ng mensahe at tinutukoy ang posibleng responsable sa banta.

Sinabi ni Sablayan police chief PLt.Col. Wilson B. Cuevo na ginagawa ng kapulisan ang lahat ng kinakailangang hakbang upang maprotektahan ang mga paaralan at komunidad.

“Hinihikayat namin ang lahat na manatiling kalmado, makipagtulungan sa mga awtoridad, at iwasang magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon. Ang sinumang mapatutunayang responsable sa pagpapakalat ng maling banta ay pananagutin alinsunod sa umiiral na batas,” ani Cuevo.

Patuloy ang koordinasyon ng pulisya sa Department of Education, barangay officials at iba pang concerned agencies habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Pinaalalahanan din ang publiko na manatiling mapagmatyag at huwag magbahagi ng hindi beripikadong impormasyon o fake news na maaaring magdulot ng takot at kaguluhan. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here