Home METRO 4 kabataang nagnakaw ng adobo kalaboso

4 kabataang nagnakaw ng adobo kalaboso

NUEVA VIZCAYA – Kalaboso ang apat na kabataan na kinabibilangan ng tatlong menor-de-edad at isang 19-anyos matapos magnakaw ng isang kalderong adobong baboy sa isang karinderya sa Barangay Baretbet, Bagabag, Nueva Vizcaya.

Magkasunod ang mga motorsiklo lulan ang apat na mga kabataan nang ilang sandali pa ay bumaba mula sa motor ang isang lalaki at dali-daling dinampot ang isang kaldero saka mabilis na sumakay sa motorsiklo at pinaharurot ang kanilang motorsiklo palayo sa lugar.

Naglalaman ng putaheng adobong baboy ang natangay na kaserola ng mga suspek kung saan bukod sa kuha ng CCTV camera, mayroon ding traysikel drayber ang nakakita sa pagnanakaw ng mga kawatan kaya mabilis na natukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek na nagresulta sa kanilang agarang pagkakahuli.

Nabatid na pawang mga residente ng bayan ng Bagabag ang apat na mga suspek na ngayon ay nasampahan na ng kasong Theft o pagnanakaw.

Tikom naman ang bibig ng mga suspek nang sila’y kausapin ng hepe kung bakit nila nagawang magnakaw ng lutong ulam.

Ginawang pulutan ang ninakaw na adobong baboy ng apat na kabataan. Rey Velasco