Home NATIONWIDE 4 Kanong ‘pedo’ hinarang makapasok sa Pinas

4 Kanong ‘pedo’ hinarang makapasok sa Pinas

129
0

IBINAHAGI ng Bureau of Immigration (BI) ang pagharang ng apat na American pedophile na pinagbawalan na makapasok sa bansa dahil sa pagiging convicted sex offenders.

Sa isang pahayag, sinabi ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na ang mga nasabing dayuhan ay naharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa magkakahiwalay na petsa simula noong kalagitnaan ng Setyembre nang dumating sila at humingi ng admission bilang mga turista sa bansa.

Sinabi ni Viado na ang mga Amerikano ay agad na pinabalik sa bansang kanilang pinanggalingan at sumakay sa unang available flight.

“They were turned back pursuant to our immigration law which provides for the outright exclusion of foreigners who have been convicted of crimes involving moral turpitude,” ayon sa BI chief.

Ayon sa BI, noong Setyembre 13 ay hinarang ang isang 70-anyos na si Terry Christ Petersen, na dumating sakay ng isang Cathay Pacific flight mula Hongkong.

Si Petersen ay nahatulan noong 1992 ng korte sa Wisconsin sa kasong sexual assault sa ikalawang antas kung saan ang biktima ay isang 12-taong-gulang na bata.

Noong Setyembre 19, isang 71-anyos na si Richard Allison Boice ay naharang sa NAIA 1 matapos siyang dumating sa pamamagitan ng Japan Airlines mula sa Tokyo. Siya ay nahatulan noong 2009 para sa pagkakaroon ng child pornography.

Naharang naman sa NAIA 3 noong Setyembre 24 si Kevin James Bearden, 56, na lumipad sakay ng Cathay Pacific flight mula Hongkong. Siya ay nahatulan noong 2021 sa dalawang bilang ng child pornography.

Ang pinakahuling pinabalik ay si Rodney Wendell Mathis, 59, na dumating noong Oktubre 3 sa pamamagitan ng Thai Airways flight mula Bangkok sa NAIA terminal 3. Siya ay nahatulan noong 1997 dahil sa paggawa ng mahalay na gawain laban sa isang 16-anyos na menor de edad.

Sinabi ni Viado, lahat ng apat na Amerikano ay inilagay sa blacklist ng BI at pinagbawalan na muling pumasok sa Pilipinas. JR Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here