Home METRO 4 MILF patay sa tambang!

4 MILF patay sa tambang!

Maguindanao del Sur – Patay ang apat na miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa pananambang noong Linggo ng hindi pa nakikilalang mga armadong lalaki sa Barangay Satan, sabi ng pulisya.

Sa isang panayam, sinabi ni Lt. Colonel Reggie Albellera, municipal acting police chief, ang mga biktima ay sakay ng dalawang magkahiwalay na motorsiklo patungo sa kalapit na bayan ng Datu Hoffer alas-8:30 ng umaga nang tambangan ng mga armadong lalaki na nakaposisyon sa magkabilang gilid ng kalsada sa Sitio Dimabilis.

Aniya, ang mga biktima ay miyembro ng MILF 118th base command, batay sa impormasyon mula sa mga lokal na pinuno ng MILF.

Kasunod ng insidente, sinabi ng opisyal ng pulisya na hinimok ni Barangay Satan chairperson Datukon Malaguial ang pulisya na makipag-ugnayan sa Philippine Army bago pumasok sa nayon dahil sa presensya ng mga extremist Bangsamoro Islamic Freedom Fighters sa ambush site.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na ang mga biktima ay nasangkot sa alitan sa isa pang angkan sa lugar.

Ang lahat ng mga biktima ay agad na dinala ng kanilang mga pamilya at inilibing ayon sa Islamic rites. RNT