MANILA, Philippines- Naaresto ng Quezon City Police District (QCPD) ang apat na most wanted persons (MWPs) sa magkakahiwalay na operasyon noong May 3.
Nadakip ng QCPD District Anti-Carnapping Unit si Edison Miller, 31, No. 9 district level MWP, sa Sikatuna Village.
Si Miller ay mayroong pending warrant of arrest para sa carnapping na inisyu ng QC Regional Trial Court (RTC) Branch 76.
Samantala, nalambat ng Cubao Police Station 7 ang No. 7 MWP nito, si Marina Cayanan, isang 59-anyos na residente ng Tarlac City.
Mayroon siyang pending warrant of arrest para sa six counts of estafa na ipinalabas ng QC Metropolitan Trial Court Branch 135.
Binitbit si Cayanan mula sa Bureau of Jail Management and Penology’s Tarlac City Jail.
Samantala, naaresto ng Eastwood Police Station (PS-12) si Joseph Espadon, 26, ang No. 7 MWP ng Tapaz Municipal Police Station sa Mambusao, Capiz.
Nahuli siya sa harap ng Partas Bus terminal sa Sampaloc, Manila para sa frustrated murder.
Isinilbi naman ng Payatas Bagong Silangan PS-13 ang arrest warrant ng No. 10 MWP na si Alfredo Tela, 51, para sa dalawang bilang ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. RNT/SA