ANGADANAN, Isabela – Sa halos sampung araw na naligaw at nawala sa kabundukan na sakop ng Ilocos Norte at Apayao ay nahanap na ng rescue teams ang apat na mountaineer.
Ang mga na-rescue ay mga mountaineers na galing pa sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa na may edad na 59, 49, 48 at 28.
Matatandaan noong Marso 2, 2026, umakyat ang apat sa Mount Sicapoo na isa sa pinakamataas na bundok sa Northern Luzon.
Ang mga mountaineer ay makakarating sana sa kanilang exit point ng Marso 8 pero hindi na sila na-contact sa kanilang mga cellphone.
Agad na ipinaalam ito sa lokal na awtoridad kung kayat nagtulong-tulong ang pulisya, Philippine Marines, Bureau of Fire Protection, at local disaster offices sa paghahanap sa mga kabundukan.
Naligaw umano ang apat at hindi sila ma-contact dahil walang signal ng cellphone.
Ang Mt. Sicapoo ay madalas na inaakyat ng mga mountaineers dahil sa maganda nitong tanawin at trails na sakop ng lalawigan ng Ilocos Norte at Apayao.
Ang apat ay nasa mabuti na silang kalagayan matapos ma-rescue ng mga otoridad. REY VELASCO