MANILA, Philippines – Muling kinalampag ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang Department of Agriculture (DA) na kumilos kaagad upang itaas ang subsidya na ibibigay sa magsasaka at mangingisda na lubhang apektado ng tumitinding krisis sa Gitnang Silangan.
Kasabay nito, hiniling din ni Pangilinan, chairman ng Senate committee on agriculture, food and agrarian reform, na pabilisin ang suspension ng excise tax sa produktong petrolyo upang maibasan ang bigat na pinapasan ngayon ng consumer.
Ipinaliwanag ni Pangilinan, isa sa naghain ng panukalang batas na magbibigay ng emergency powers kay Pangulong Bongbong Marcos Jr., na mababawasan ng P6 kada litro sa halaga ng diesel, at P10 kada litro sa halaga ng unleaded gasoline, at LPG at P5 naman sa kada litro ng gaas kapag inalis ang excise tax.
Ikinalungkot din ni Pangilinan ang plano ng DA na magbigay ng tig-P3,000 cash assistance kada mangingisda na magmumula sa P75 milyon na natipid na pondo sa 2025 budget ng Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources’ (DA-BFAR) na pawang hindi sapat.
“Masyadong mababa. Hindi ito angkop sa kasalukuyang sitwasyon. Kaya isa sa mga nabanggit natin ay kinakailangan i-adjust itong halaga na ito at dagdagan,” aniya.
”Well, at the very least siguro doble non pero yan eh kulang pa rin. Kaya nga apart from yung cash assistance na dodoblehin to about P6,000 or P7,000 ay dapat din pababain yung excise tax sa krudo para mabawasan pa ng hanggang P6 kada litro. Yan yung dalawang maaaring immediate na maisagawa,” dagdag niya.
Aniya, maaaring kunin ang karagdagang tulong pinansiyal sa magsasaka at mangingisda sa P10 bilyon ng Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk sa 2026 budget.
Kaya’t hiniling agad ng mambabatas sa DA-BFAR na lumikha kaagad ang implementing guidelines para kaagad magamit at maipalabas ang naturang pondo.
“Dapat ngayon na ilabas yung guidelines para mapakinabangan na at ma-release na itong farmers and fisherfolks assistance,” aniya.
Kumakatawan sa 80% ng kabuuang halaga ng produksiyon ang gatong ng lahat ng produktong agrikultura. Ernie Reyes