Home TOP STORIES 4 nailigtas sa lumubog na kweba sa Laos; 2 nawawala pa

4 nailigtas sa lumubog na kweba sa Laos; 2 nawawala pa

101
0

VIENTIANE, Laos – Apat na lalaking na-trap sa isang bahagyang nalubog na kuweba sa Laos sa loob ng 10 araw ang nailigtas noong Sabado, ayon sa mga rescuers, habang dalawa pa ang patuloy na pinaghahanap.

Ayon kay Malaysian rescue diver Lee Kian Lie, na kasama sa operasyon, naiahon ang apat matapos ma-pump out ang tubig sa loob ng kuweba.

“Important [that] they already out,” ani Lee sa AFP, at idinagdag na hindi pa niya masabi ang lagay ng mga nailigtas.

Batay sa ulat, kabuuang lima na ang nailigtas, matapos unang maiahon ang isa noong Biyernes, ngunit dalawa pa ang nananatiling hindi natatagpuan.

Ang pitong lalaki ay na-trap sa kuweba sa Xaysomboun province matapos ang flash floods na dulot ng malakas na ulan noong Mayo 20 habang sila ay naghahanap ng ginto.

Ayon sa mga ulat, nakulong sila nang bumaha at harangin ng tubig ang labasan ng kuweba. Lima sa kanila ang natagpuan noong Miyerkules sa isang makitid na bahagi ng kuweba na humigit-kumulang 300 metro mula sa bukana.

Patuloy ang operasyon ng mga rescuers gamit ang water pumping at pagpasok ng supplies, habang dumating din ang mga espesyalistang diver mula sa Thailand, France, Indonesia, at Australia upang tumulong.

May mga ulat din na ang mga naunang nailigtas ay nakaranas ng gutom, pananakit ng dibdib, at matinding panghihina matapos ang ilang araw na pagkakakulong sa loob ng kuweba.

Ang insidente ay inihambing sa 2018 Thai cave rescue kung saan isang youth football team ang nailigtas matapos ang 18 araw na pagkakakulong sa ilalim ng lupa. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here